Category Archives: Travel

Anong ginagawa ko dito sa Amerika?!

Marahil marami sa aking mga kaibigan, kamag-anak, kapit-bahay, ka-barangay, kabatch, ka-alumni, ka-facebook at ka-lahat na (assuming lang na concern sila) ang nagtataka kung anong ginagawa ko dito sa America?! Ako rin kaya hanggang ngayon ay may mga pagkakataon na naiisip ko kung paano ako nakarating sa punto na ito ng aking buhay na tatapak ako sa teritoryo ni Uncle Sam.

Ang pasimuno sa lahat ng labas ko ng Pilipinas ay ang aking pinakamamahal na samahan ang YMCA (Young Men’s Christian Association). Noong 2012 naghanap sila ng dalawang kabataan na kakatawan sa Pilipinas at babansagang “Change Agent”, at naghagis ng swerte si Lord at isa ako sa mga nakasalo, yung isa napunta sa Pangasinan at nakuha ni Marvin Tapiador na staff ng YMCA of Pangasinan. Ang mga Change Agents ay mga piling 220+ kabataan mula sa mahigit 80 na bansa na makikibahagi sa pagbuo ng bagong imahe ng YMCA bilang pangunahing samahan na naglilingkod para sa mga kabataan.

Noong 2012, kasama ang mahigit 40 na kabataan sa Asya at Pasipiko ay pinadala kami sa Sri Lanka kung saan kami nakipanirahan sa isang komunidad na naapektuhan ng digmaan. Noong 2013 ay nakilahok naman kami sa Europe Youth Festival na ginanap sa Prague, Czech Republic at dito namin nakasalamuha ang 200+ na kabataan mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo at nag-aral tungkol sa pamumuno at sa mga gampanin namin sa mga susunod pang buwan.

At ngayon nga sumapit ang pinaka-highlight ng aming pagiging Change Agent, matapos ang maraming online meetings, seminar at assignment sa pagitan naming mga Change Agents, oras na para maglingkod kami bilang facilitators sa 18th YMCA World Council dito sa YMCA of the Rockies, Colorado, USA (may Pinay na nagtatrabaho dito graduate ng FEU, tsismis ko lang) mula June 29 hanggang July 6, 2014. Ang YMCA World Council ay ang pinakamataas na pagpupulong ng mga pinuno at staff ng YMCA mula sa mahigit 120 na bansa.

Kaya ko bang sagutin ang lahat ng gastos ng mga labas ko ng Pilipinas?! isang malaking HINDI! kaya ganun na lamang ang pasasalamat ko sa Panginoon sa pagkakataon na ibinigay sa akin bilang maging Change Agent ng YMCA sa Pilipinas. Sa aking murang edad ay narating ko ang ilang bansa na hindi gumagastos mula sa aking bulsa. Ang YMCA mula sa global office (World Alliance of YMCAs sa Geneva, Switzerland), regional office (Asia Pacific Alliance of YMCAs sa HongKong), YMCA of the Philippines at YMCA of Manila ay nagtulong-tulong upang tustusan ang tatlong taon naming pakikibahagi sa Change Agents Program mula sa pamasahe, pagkain, accommodation, registration at pocket money. Isang pamumuhunan sa paniniwalang kami ay gagawa ng mga kapaki-pakinabang na bagay para sa aming kapwa kabataan sa pamamagitan ng YMCA. Isang responsibilidad na aking isinasabuhay.

Ang aking pagpunta dito sa Amerika ay isang pangarap na hindi ko inaasahan na mabilis na matutupad. Ang aking nararanasan sa mga gawaing ito ay nagbibigay pa sa akin ng ibayong inspirasyon upang ipaglaban ang karapatan at pakinggan ang mga nais sabihin ng aking mga kapwa kabataan. Sa pagkakataong ito ay napatunayan ko na hindi lamang pera ang maaaring magdala sa atin sa ating mga pangarap, sapagkat higit sa lahat ay ang ating pagsusumikap at paniniwala na sa bawat pagsubok na ating kinakaharap ay may biyayang kaakibat.

Sa aking mga susunod na blogs ay ibabahagi ko ang aking mga karanasan dito sa Ameika. #MissingPinas

Advertisements